Upang Hindi tayo makalimot sa Panginoon.
1 Tesalonica 5:16-18 ”16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong
manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos
sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang
kalooban ng Diyos para sa inyo
sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.”
Iyon ang kalooban ng Diyos ang tayo'y nagagalak lagi, nananalangin lagi at nagpapasalamat lagi sa Panginoong Jesu-Cristo ano man ang ating ginagawa sa bawat oras na dumadaan at lumilipas sa ating mga buhay.
Kadalasan, natutuwa tayo at nasisiyahan tayo or nagagalak tayo at nagpapasalamat sa Diyos kapag lamang may dumating na biyaya o pagpapala ang ating Panginoon sa ating mga buhay. Minsan naman, nanalangin at lumalapit tayo sa ating Panginoon kapag lamang mayroon tayong mabigat na problema or karamdaman or kaylangan sa ating Panginoon. At kung walang biyaya at pagpapala, kadalasang nangyayari tayo'y nalulungkot at nababalisa at kung minsan nakakalimutan nating lumapit at manalangin at magpasalamat sa ating Panginoon. Sa katunayan, araw-araw kung magbigay ng biyaya at pagpapala ang ating Panginoon sa ating lahat. Hindi lamang natin na a-appreciate or ina-acknowledge ang Kanyang kabutihan at ang Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin. Hindi ba pagpapala at biyaya ng ating Panginoon ang tayo'y buhay? malusog? malakas? at masigla? Hindi ba pagpapala at biyaya ng ating Panginoon ang Kanyang pag-iingat sa ating mga buhay at sa ating mga pamilya maging sa ating mga tahanan?
Magalak kayong lagi… balikan po natin ang aklat ng paglikha, matapos likhain ng Panginoon ang tao ayon sa Kanyang kalarawan at kawangis, ay inihanda na ng Panginoon ang kanyang basic needs, yung kanyang makakain ang bungang kahoy na nagbibigay buhay na hindi mamatay. Sinabi ng Panginoon, hindi mainam na mag-isa ang tao, bibigyan ko sya ng angkop na makakasama at makakatulong kaya lumikha pa sya ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid. Inilapit iyon sa tao at ipinaubaya ang pag-bibigay ng pangalan sa mga ito. At ganun nga ang nangyari si adan ang nagbigay ng mga pangalan sa mga ito.
Subalit, lumipas ang ilang araw si adan ay nabalisa at nalungkot... napansin ito ng ating Panginoon kaya't siya'y pinatulog, habang nahihimbing ay kinuha ng Panginoon ang tadyang kay adan at pinaghilom ang laman sa tapat niyon (dito natin makikita na ang ating Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat ay dalubhasang doctor) ginawa nyang babae ang tadyang na galing kay adan. Pagkatapos ay inilapit ito kay adan, nang makita ni adan ang babae... ay kanyang sinabi ang "sa wakas, narito ang isang tulad ko laman ng aking laman buto ng aking buto" yung salitang "sa wakas" ay nagpapatunay na natapos ang lungkot at kabalisahan ni adan.
Kung papansinin natin, hindi ibig ng Panginoon na tayo'y nababalisa o nalulungkot sa pang-araw araw ng ating mga buhay, ganun din naman hindi Nya ibig na napuputol ang ating pananalangin o paglapit sa Kanya at sa halip na magpasalamat ay nakakapag reklamo pa tayo.
Kung tunay po nating tinanggap ang Panginoong Jesu-Cristo sa ating mga buhay bilang Panginoon, manggagamot, manunubos, tagapagligtas at hari ng ating mga buhay ay dapat po tayong magalak at matuwa sapagkat tinanggap natin ang bigay na regalo sa atin ng Panginoong Diyos ang Buhay na Walang Hanggan at Kaligtasan pagdating ng takdang panahon. At dapat din tayong matuwa at magalak dahil kasa-kasama natin ang ating Panginoon sa araw araw. Di hamak na mas malaki ang ating Diyos kay sa mga problema.
Palagi kayong manalangin o maging matiyaga sa pananalangin... maraming pagkakataon na pupuwede tayong maka-panalangin, nariyan ang bago matulog... nagagalak tayo at nananalanging may pasasalamat na tayo'y sasamahan ng libo-libo Nyang mga anghel sa buong magdamag upang tayo'y ingatan, at pagkagising naman... naroroon pa rin yung kagalakan na nananalanging may pasasalamat na "Salamat po Panginoon sa buhay na patuloy Nyong ipinahihiram sa amin kasama ang bagong kalakasan at bagong kalusugan, salamat din po sa bagong buhay na bigay nyo sa amin." Pag ka naman bago kumain... naroroon parin yung kagalakan na nananalanging may pasasalamat sa Panginoon anuman ang nasa hapag kainan ay biyaya ng Panginoon kahit tuyo o sardinas ang ulam ay hindi dapat ireklamo, pagkatapos kumain... nagagalak, nananalanging may pagpapasalamat sa Panginoon na "salamat po sa biyayang aming tinanggap buhat po sa Inyong walang hanggang kabutihan." Ganun din pag-aalis at pag-babalik ng tahanan, naroroon parin yung kagalakan na nananalanging may pasasalamat sa Panginoon na "Salamat po Lord at hindi mo kami pinabayaan, bagkus kami ay Inyong iningatan, ginabayan at sinamahan, tunay pong napasa amin ang Inyong Devine Protection."
At hindi po lamang iyon... isama po natin sa ating panananalangin ang ating mga kapatid sa pananampalataya, Ipanalangin po natin kung mayroong pinang hihinaan ng pananampalataya, ay palakasin Sya muli ng ating Panginoon at kung mayroon pong nangangailangan ng complete healing ay atin din po syang ilapit at ipanalangin sa ating Panginoon na sya'y pagalingin. Isama din po natin sa ating panananalangin ang patatagin ng ating Panginoon ang ating mga pananampalataya at pag-alabin pa ng Panginoon ang ating mga puso sa pagmamahal sa ating mga kapwa bunga ng ating pananampalataya na may kalakip na gawa na walang hinahanap na anumang kapalit. Ipanalangin din po natin sa Panginoon na dagdagan tayo ng lakas ng loob na maipangaral ang mabuting balita ng kaligtasan sa ating mga mahal sa buhay at Palawakin o paunlarin pa ng Panginoon ang ating pang-unawa sa Salita ng Diyos. "Ako po'y naniwala na hindi sapat ang pagsisimba ng isang tao sa Simbahang Katoliko upang umunlad ang kanyang pang-unawa sa Salita ng Diyos", sapagkat sa loob ng isang oras ng Misa ay kakaunti lamang ang bahagi ng Salita ng Diyos na kanyang napapakinggan, na kung minsan ay hindi pa gaanong naipapaliwanag. Eh paano pa kaya kung ang taong ito ay hindi na nakakapag simba? Nakakapakinig kaya siya ng Salita ng Diyos sa Radio o maging sa Television? Nakakapag buklat kaya sya ng biblia upang basahin? Nakakapag puri't nakakasamba kaya sya sa Diyos sa pamamagitan ng mga awiting makalangit ng salmo at imno? Malamang na hindi nananahan sa kanya ang Espiritu ng Panginoon. Kung ganon eh anung espiritu ang nananahan sa kanya? Ah masasamang espiritu... may espiritu ng pagmumura, galit, poot, hinanakit, tampo, inggit, sama ng loob, paghihiganti, hindi pagpapatawad... may espiritu ng alak, sugal, sigarilyo at droga at pambabae.
Kaya ako po'y namamanhik sa inyo, na huwag po tayong manghihinawa sa pananalangin, maging matiyaga po tayo sa pananalangin, Idalangin at ilapit po natin ang ating mga mahal sa buhay at mga kamag-anak na hindi pa kumikilala o tumatanggap sa ating Panginoon, nawa po'y dumating yung time na ang mahimala at mahiwagang pamamaraan o pagkilos ng Panginoon sa kanilang mga buhay ay dumating at kanilang maranasan at ang
Salita ng Diyos ay magkaroon ng halaga at puwang sa kanilang mga puso.
Muli po, ibig po ng Diyos na tayo'y nagagalak sa halip na nalulumbay, nananalanging palagi at nagpapasalamat palagi sa Kanya sa lahat ngpagkakataon. Hindi po sinabing magalak, manalangin at magpasalamat sa Kanya kapagka lamang may blessing at hindi rin po sinabing manalangin at lumapit sa kanya kapagka lamang may karamdaman, problema o may kaylangan tayo sa Kanya.
Ang layunin po ng ating binasa, ay upang hindi tayo makalimot sa ating Panginoon.
Makalimot kaya tayo sa Panginoon?
1.) Kung palagi nating ikinagagalak at ina-alala ang Kanyang kabutihan at ang Kanyang pagmamahal sa atin?
2.) Kung palagi tayong lumalapit at nanalangin sa Kanya?
3.) Kung sa bawat oras-menuto-segundo na dumadaan at lumilipas sa ating mga buhay ay palagi tayong nagpapasalamat sa Diyos sa pangalan ni Cristo Jesus?
Magalak kayong lagi, maging matiyaga sa pananalangin, Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Cristo Jesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos.